Maaari nang kumuha ng value added tax (VAT) refund ang mga turistang hindi residente ng Pilipinas kapag bibili sila ng mga bagay sa bansa na ilalabas din nila sa loob ng animnapung araw.
Kinakailangan lamang na ang halaga ng produkto ay hindi bababa sa P3, 000.
Batay sa Republic Act No. 12079, o ang VAT Refund for Non-Resident Tourists, maaaring maibalik sa kanila ang naibayad na buwis para sa mga biniling bagay sa mga accredited na tindahan kung susundin ang mga panuntunan tungkol dito.
Naniniwala si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na ang bagong batas ay tutulong para maengganyo ang mga turista na bumili ng mga produktong Pilipino at maisulong ang Pilipinas bilang pangunahing lugar na mabibilhan ng de kalidad na produktong lokal.
''This initiative opens a new chapter in our tourism landscape, allowing the country to compete with other tourism markets that attract tourists who are eager to take home authentic, high-quality Filipino products,'' ayon kay Marcos.
Inatasan ni Marcos ang Department of Finance at Bureau of Internal Revenue upang gumawa ng implementing rules and regulations para maging simple, mabilis at pantay ang proseso ng VAT refund.
Ang VAT refunds ng mga turista ay tinatayang aabot sa P2.9 bilyon hanggang P4.1 bilyon taun-taon.
Ang mawawalang buwis sa Pilipinas ay matutumbasan naman ng mas lalaking paggastos ng mga turista sa bansa at mas dadaming dadayo sa bansa, ayon sa pamahalaan.
(Mga larawan ni Marou Sarne)
VAT Refund sa mga Bibilhin ng mga Turistang Hindi Residente ng Pilipinas, Ipatutupad Na | Taguig Balita
Pick your language preference for this article:
/
Piliin ang inyong wika para sa artikulong ito: