Bilang tugon sa isang viral video ng isang nagngangalang Alexis Buclatan sa Tiktok, nagsagawa ng agarang aksyon ang Taguig Police upang hulihin ang diumano ay mga holdaper at drug addicts sa lugar ng C5 - Waterfun sa Taguig City.



Nakipag-ugnayan ang Taguig Police Substation 3 sa kapitan ng barangay ng Pinagsama, ang lugar kung saan itinurong maraming nagtitipong mga magnanakaw at drug addicts na bumibiktima ng mga inosenteng naglalakad doon.

Sa isinagawang pagpapatrulya ng Taguig Police noong Agosto 24, alas 4:30 ng umaga, naaresto ng mga ito si Jeaford Dela Torre, 28 taong gulang.

News Image #1


May dala itong isang heat-sealed transparent sachet na may lamang isang gramo ng hinihinalang shabu na ang tinatayang halaga ay ₱6,800.00.

Sa viral video ni Buclatan, itinuro nito ang mga madidilim na lugar sa Waterfun na aniya ay pinamumugaran ng mga holdaper ar adik sa droga.

"Ang diskarte nila mga boss, magpapanggap na pasahero, nakaupo (sa waiting shed), may dalang bag, nagse-cellphone, akala mo nag-aantay ng sasakyan. Pero mga holdaper pala. So mag-ingat kayo sa didikit sa inyo," ayon kay Buclatan sa kanyang Tiktok video.

Nang magsagawa ng inspeksyon ang mga otoridad sa C5 Waterfun, nakita rin nilang depektibo ang mga ilaw sa kalye, partikular sa cloverleaf section ng Barangay Western Bicutan dahilan kung bakit may mga krimeng nangyayari doon.

Dahil dito, inirekomenda ng pulisya na ayusin ang street lights sa naturang lugar at lagyan din ng closed circuit television (CCTV) cameras ang lugar.

Tiniyak ng Taguig City Police na palalakasin pa nila ang kanilang presensya sa kugar at magpapaikot ng mobile patrol doon. Nakikipagtulungan na rin sila sa komunidad upang matiyak ang kaligtasan at kapayaan sa C5 Waterfun.

Matatandaang kamakailan isang reporter ng Sonshine Media Network Incorporated (SMNI) na si Bernard Ferrer ang nasugatan makaraang paluin ng isang hindi kilalang lalaki habang naglalakad sa may Waterfun mula sa gym.

(Photo by Taguig Police)
(Video by Alex Buclatan)