Lumipat na sa Taguig City ang VFS Global na kapartner ng Italian Embassy sa Manila na tumatanggap ng aplikasyon para sa Schengen visa.

Pinasinayaan noong Disyembre 7 ang VFS Global Office sa Ground Floor ng One Campus Place, Building A sa Mckinley Hill, Fort Bonifacio, Taguig City sa pangunguna ni Ambassador Marco Clemente, Italian Ambassador to the Philippines, at ng mga opisyal ng Department of Foreign Affairs.

News Image #1


Sinabi ni Clemente na ang opisina sa Taguig ay karagdagan sa tatlo pang visa application centers ng Italya na itinayo sa Cebu, Batangas at Davao.

"Philippines is a key source of tourism and business market for Italy and we are taking every possible measure to ease and streamline processes for travelers," ayon kay Clemente.

News Image #2


"The establishment of these new centers is an important step towards this strategy to further develop our bilateral relations. Applicants in the Philippines will now be able to apply for Italy visa in four key cities, from two earlier, helping them save their time and cost of travel," dagdag pa ni Clemente.

Maaaring magpa-appointment ang mga nais mag-apply ng visa sa Italya sa website na https://visa.vfsglobal.com/phl/en/ita/.

Papayagan din ang walk-in subalit kailangang magbayad ng P2, 500 sa "premium lounge."

News Image #3


Ang tatlong iba pang visa centers ng Italya ay nasa Kepwealth Center Samar Loop (Cebu City); Unit F01, Block J, The Outlets at Lipa, LIMA Technology Center (Batangas), at FES 07, Felcris Centrale (Davao City).

Bukas ang mga visa application centers ng Italya mula Lunes hanggang Biyernes, alas 8 ng umaga hanggang alas 6 ng gabi, at tuwing Sabado mula alas 9 ng umaga hanggang alas 2 ng hapon.

Ang Italian visa center sa Taguig ay maaaring magproseso ng 500 visa kada araw at maaaring tanggapin ang 100, 000 magsusumite ng aplikasyon kada taon.

Noog nakaraang taon, umabot sa 15, 607 ang aplikasyon sa Schengen visa sa Pilipinas na natanggap ng Italian Embassy.

Dahil dito, ang Italya ang ika-apat na pinaka-popular na destinasyon sa Europa ng mga Pilipino.

News Image #4


Inaprubahan naman ng mga otoridad ng Italya ang 14,781 visa applications o 94.7% ng mga nag-apply ng Schengen visa sa pamamagitan ng kanilang embahada at partner na kumpanya.

News Image #5


(Photos by Vera Victoria)