Bago na ang hepe ng Philippine National Police - National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) makaraang matuloy ang nabinbing rigodon ng mga pangunahing opisyal ng PNP, sa isang seremonyang isinagawa sa Camp Bagong Diwa, Taguig City noong Hulyo 7.

Walong heneral ng pulisya ang umupo na sa kanilang mga bagong puwesto kung saan ang bagong hepe ng PNP-NCRPO ay si Brig. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na.

Pinalitan niya si Maj. Gen. Edgar Alan Okubo na ngayon ay pinuno na ng PNP Directorate for Community Relations.

News Image #1


Si Maj. Gen. Eric Noble, ang dating director ng Philippine National Police Academy (PNPA), ang bagong pinuno ng Directorate for Investigation and Detective Management samantalang si Brig. Gen. Samuel Nacion ang bagong PNPA chief.

Si Brig. Gen. Ronald Lee naman ang bagong director ng human resource and doctrine development. Sa logistics naman, ang bagong direktor ay si Maj. Gen. Mario Reyes samantalang si Brig. Gen. Alan Nazarro ang bagong pinuno ng Highway Patrol Group. Samantala, si Maj. Gen. John Arnaldo na ang bagong hepe ng Directorate for Intelligence.

Pinangunahan ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang seremonya sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.

Una rito, inulat na ang balasahan sa PNP at iniskedyul na ang seremonya ng paglilipat ng tungkulin noong Hunyo 27 subalit pinigil ni Department of Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos dahil kailangan daw munang aprubahan ito ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.

Sinabi naman ni Acorda na ang balasahan sa pangunahing puwesto sa PNP ay sumailalim naman sa masusing pag-aaral at inaprubahan na ng Pangulo.

Ayon kay Acorda, hindi totoong may hindi pagkakaunawaan sa pagitan niya at ni Abalos at napag-usapan na nila ang pagbabagong ito sa PNP.

(Larawan mula sa PNP PIO)