Isang 26 na taong gulang na Amerikano ang nakapiit ngayon sa Bureau of Immigration (BI) Detention Center sa Camp Bagong Diwa, Taguig City makaraang maaresto ito sa kanyang tinutuluyan sa Dumaguete City dahil sa kasong tinakasan nito sa Texas, Estados Unidos.

News Image #1

(Larawan ng Bureau of Immigration)

Isang warrant of arrest na ipinalabas ng Denton County district court sa Texas noong Enero 23, 2024, ang dahilan ng pagkakahuli kay Malik Dejoun Okojie sa kanyang tinutuluyan sa Barangay Bagumpandan, Dumaguete City, Negros Oriental noong Hulyo 18, 2024.

Sinabi ng BI Fugitive Search Unit na ang kaso ni Okojie ay pananakit sa pamamagitan ng isang nakamamatay na sandata na isang paglabag sa Texas penal code.

"He will be deported after our board of commissioners has issued the orders for his summary deportation. Afterwards, we will include him in our blacklist to prevent him from re-entering the Philippines," ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco.

Kanselado na ang US Passport ni Okojie batay sa kautusan ng State Department, at dahil dito ay isa na siyang undocumented alien na dapat ay ipatapon kaagad ng bansa.