Isang babaeng Chinese na wanted sa mga otoridad sa Beijing, China ang nakadetine ngayon sa Bureau of Immigration (BI) Warden Facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City makaraang maaresto sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakailan.

Ang puganteng si Zheng Yuyu, 39 na taong gulang, ay naharang sa NAIA Terminal 2 nang magtangkang sumakay sa isang eroplano ng Philippine Airlines na patungong Kuala Lumpur, Malaysia.

News Image #1


Napag-alaman na si Zheng ay tumakas sa bansang China dahil sa kinakaharap nitong kasong pagpupuslit ng mga tao o human trafficking.

Sinabi ni Immigration Intelligence Chief Fortunato Manahan, Jr. na ang kanilang mga tauhan sa Border Control and Intelligence Unit ang nakakita kay Zheng at naagapan ang balak sana nitong pagtakas mula naman sa Pilipinas.

Si Zheng ay nasa listahan ng wanted ng BI simula pa noong Abril 9 ng taong ito nang siya, kasama ang isa pang Chinese na nagngangalang Chen Dongxin, ay nakasuhan dahil sa pagpupuslit ng mga tao palabas ng China. Kapwa sila idedeport ng BI dahil sa pagiging undesirable aliens.

Ang Chinese embassy sa Pilipinas ang nag-alerto sa BI kaugnay ng dalawang Chinese nationals na wanted sa kanilang bansa dahil sa malawakang operasyon sa human trafficking. Inakusahan ang mga ito ng pag-oorganisa ng mga tao para ilegal at sikretong makatawid sa mga border ng teritoryo ng China.

Hindi pa nahahanap ng mga otoridad si Chen subalit kapag naaresto, ito rin ay dadalhin sa BI Warden Facility sa Taguig para maihanda sa pagpapatapon pabalik sa kanilang bansa.