Binigyan ng pinansiyal na tulong mula sa personal na pondo ni Makati Mayor Abby Binay ang robotics team ng West Rembo Elementary School na kakatawan sa Pilipinas sa kumpetisyon sa Dallas, Texas, Estados Unidos ngayong Abril 25 hanggang Mayo 3, 2024.

Ang grupo ng mga batang nasa Grade at Grade 6 na kinabibilangan nina Rio Pauline Dames, Cassandra Elyze Cruz, Andrew Lijarso at Zyric Abines ang lalaban sa 2024 VEX Robotics World Championship.

News Image #1

(Larawan mula sa Makati PIO)

Personal silang nagtungo sa Makati City Hall upang personal na maibigay ng alkalde ng Makati ang tulong sa kanila.

"Even though West Rembo Elementary School is no longer part of Makati, I decided to help them using my personal funds so they have less to worry about and can focus on the competition. They bring pride to the nation and deserve our full support," ang pahayag ni Binay.

Ayon kay Binay, binigyan naman ng pondo ng Taguig City Government ang mga bata subalit sinabi ng mga magulang na hindi sapat ito para sa gastusin ng team kung kaya't lumapit sila sa alkalde ng Makati. Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang tugon ang pamahalaang lungsod.

Ang West Rembo Elementary School ay dating nasa hurisdiksyon ng Makati subalit nailipat sa Taguig ang kinaroroonan nitong barangay makaraang ibaba ng Korte Suprema ang hatol na ang sampung EMBO (Enlisted Men's Barrio) barangays ay nasa hurisdiksyon ng Taguig.

Noong Martes, Abril 23, ang apat na miyembro ng Makatrix Robotics Team ng Makati High School na lalaban din sa naturang kumpetisyon, ay binigyan ng Makati ng P58, 000 pocket money bukod sa sinagot ang kanilang pamasahe sa eroplano at titirhang hotel.